Pagsilang ng bagong magulang

Folder: 
Filipino poems

Ang iyong ngiti ay pampawi ng lungkot

Na sa puso ko’y naglagi

Habang hawak ang iyong munting kamay

Pagmamalaki’y ‘di maikubli



‘Di tatapat ang makakatang salita

Sa ligayang dulot mo

Isang sanggol na sa braso ko ay

Nagpalambot ng puso



Ang hagikgik mong kay lakas

Sa tenga ko’y musika

Mga sanggol nga naman sa tao ay

Mga banal na biyaya



Ngunit ang hindi nila alam at ang totoo

May kasabay kang dumating

Sa pagbati mo dito sa aking mundo

May inang isinilang din

View kyoksil's Full Portfolio